Thursday, July 27, 2017

SILOG AT BULALO? KAY PUTCHUY TAYO!!

“Labing limang taon na rin pala mula ngayon, parang kahapon lamang…..”

We’re classmates in the primary school, pareho pa kami ng service kapag uwian na. Si Ruel, isang napaka-kulit na bata, mahilig mang-asar, magbiro, pero naging isang tunay na kaibigan.”

Hindi ko inakala na ang dating medyo “bully” kong kamag-aaral ay magiging isang napakagaling na chef. Siya pala ang nasa behind the scenes sa isang payak na “Bulaluhan at Silogan” na matatagpuan sa Corvite St. Magdalena, Laguna. Sa aking pagkakatanda, isang blog na rin ang aking nailathala, dalawang taon na ang nakalilipas patungkol sa bayan ng Magdalena ngunit noong mga panahong iyon ay hindi pa sumisibol ang “Putchuy’s Bulaluhan at Silogan” na ngayon ay isa sa mga dinarayo dahil sa nababalitaang kakaibang timpla ng kanilang mga lutuin.

Mahilig ako sa bulalo, kaya naman hindi ako maaaring magpahuli sa pagtikim ng bulalo ni Chef Ruel. Nang makita ko ang kanyang post sa Facebook na bukas na ang kanyang munting ristorante, ‘di na ako nag-atubili pa at agad kong niyaya ang aking mga kaibigan upang matikman at mahusgahan ang kanilang ipinagmamalaki.

Halika na!! muli mo akong samahan sa aking biyahe dito sa Magdalena!

Hindi kagaya ng mga commercial resto na kadalasan nating dinarayo, ang Putchuy ay matatagpuan lamang sa isang simpleng tahanan na kung saan nakatira si Ruel at ang kanyang pamilya. Kung ikaw ay isang tao na mahilig sa mga “homey feeling”, inirerekomenda ko ang lugar na ito.

Ibahagi ko lamang ang aming karanasan. Alam niyo bang unang subo pa lamang ng sinangag ay umorder na agad kami ng isa pang kanin? Talaga namang garantisadong mapaparami ka ng kain dahil sobrang sarap ng kanilang silog, mami at bulalo! Tila may mahika ang sariling sangkap ng ating mahal na chef! Pitong putahe ang kanilang ini-aalok, ito ay ang mami, bulalo, siomai, pork tapsilog, tocilog, smoked longsilog at skinless longsilog. Bawat putahe, may kakaibang timpla. Ang sabaw ng bulalo, rekomendado isang daang porsiyento!

Hindi ko na hahabaan pa, hayaan mong ang mga larawang ito ang gumising sa iyo. Tamang tama sa malamig na panahon ngayon. 

Longsilog Skinless, PhP 55 (Photo Credit: Darrel El)

Longsilog Smoked,  PhP 55 (Photo Credit: Darrel El)


 
Tocilog, PhP 65 (Photo Credit: Darrel El)

Pork Tapsilog, PhP 65 (Photo Credit: Darrel El)

Mami PhP 25 (Photo Credit: Darrel El)


Bulalo, PhP 50 (Photo Credit: Darrel El)
Siomai (3pcs), PhP 10 (Photo Credit: Darrel El)



Satisfied Customers! Babalik kami ulit!

Kung nais mong matikman ang mga ito, dayo ka na dito sa bayan ng Magdalena! Sila ay bukas mula Lunes hanggang Linggo, from 8am to 11pm. They also offer delivery within Magdalena with a charge of PhP 10.
 

-FYI-


PAANO SILA NAGSIMULA?


x
Una kong tanong sa aking isipan, sino ba si Putchuy? Paano ba ito nagsimula?



Si Putchuy pala ay ang limang buwang gulang na anak ni Ruel. Isang munting anghel sa paningin na nagsilbing inspirasyon kasama ng kanyang Maybahay. Hindi rin madali ang pagsisimula ni Ruel dahil maraming tao ang humusga sa kanya na hindi niya kakayaning magbukas ng sariling kainan.
“Hindi naman daw siya naka-graduate kaya wala daw siyang kakayanan”

Ito ang naging kanyang tuntungan upang abutin ang kanyang pangarap….

Nagsimula sa pagiging isang waiter, bartender hanggang maging isang kusinero sa may Shangrila Plaza. Bagamat hindi natapos ang kursong HRM, isang Japanese Chef ang nagtiwala sa kanyang abilidad at siya ring nagturo at humubog sa kanyang talent sa pagluluto. Ilan pang mga Pinoy na Chef ang nagsilbi niya ring Maestro na hanggang sa ngayon ay hindi niya makakalimutan. Tibay ng loob, tiwala sa sarili, pamilya, pagsisikap, diskarte, pagtitiyaga at pananampalataya sa Diyos-ito ang kanyang puhunan at sikreto.

Ika nga niya “Mula Edsa Shaw, sa Shangrila at dito sa Magdalena uwian ako araw araw...kasi wala akong pera noon...gusto ko lang talaga ma-experience at matuto sa mga chef. Kahit walang masyadong sahodin, ok lang sakin, basta matuto ako.”

“Pangarap ko noon na magtatayo ako kahit na maliit lang na kainan at makikilala ang mga pagkain na gagawin ko dito sa bayan natin at pangarap ko din sa buong Pilipinas at sa ibang bansa. Papatunayan ko na hindi hadlang ang edukasyon para matupad ang pangarap.”


Isang nakakatuwang tagpo na nagsimula sa isang pangarap na ngayon ay naisakatuparan. Ito ang Putchuy’s Bulaluhan at Silogan! Bagamat nagsisimula pa lamang, naniniwala ako na balang araw ay magiging tanyag ka.

Mga kaibigan! Suportahan natin ang lokal na food industry dito sa Magdalena!